Ryan M. Aguinaldo – Lungsod ng Quezon
Panimula:
Hindi biro at may kabigatan ang maging kaanak ng kauna-unahang Pangulo ng ating pinagpalang bansa na si Heneral at Pangulong Emilio Famy Aguinaldo. Hindi biro sapagkat magmula kabataan ko’y puro talaga pangkukutya at panunukso ang aking inaabot dahil sa taglay kong apelyido at sadyang mabigat sa aking kalooban na kailangan ko laging ipagtanggol o ipaliwanag
sa aking mga nanunuksong kalaro o sa mapanghusgang madla ang mga nagawa ng aking kaanak at ninuno na madalas kutyain kapag inaaral ang ating kasaysayan.
Si Miong at ang Kanyang Pamilya
Ang kapanganakan ng ating unang pangulo na si Emilio Aguinaldo y Famy ay masasabing kalbaryo para sakanyang ina na si Trinidad Famy y Valero dahil sa maselang pagdadalang tao nito sa kanya. Ika nga ay kung anong lakas ng dagundong ng pagsabog ng berso o paputok na sinilaban ng kanyang ama, na marahil narinig sa buong bayan ng Kawit, para makatulong na mailuwal
sa mundong ito si Emilio ay siya namang kabaligtaran sa pagiging tahimik at malumanay ni Emilio. Isinilang siya sa Cavite el Viejo o Kawit, Cavite noong ika – 22 ng Marso 1869 at nabigyang palayaw na“Miong”. Hinango ng kanyang ama na si Carlos ang kanyang pangalan Heneral at Pangulong Emilio Aguinaldo: Ang Pagharap sa Dakilang Hamon Bilang Isang Mason
sa isang Katolikong martir na ipinanganak noong ika 28 ng Marso batay sa Kalendaryong Katoliko. Kaya’t naibulalas niya na “kaya pala simula’t sapol, ang kanyang kanyang buhay ay laging binabalot ng mga paghihirap at kalungkutan.” Kagaya ng isang martir, bilang lang anya, ang masasabing mga kaganapan na may dalang kasiyahan sa kanyang buhay.
Si Pangulo at Heneral Emilio F. Aguinaldo ay ang tiyuhin ng lolo ng aking ama. Lumalabas na siya ay aking “great, great, grand uncle”. Samantala, ang aking pangunahing ninuno naman ay walang iba kung hindi si G. Benigno Aguinaldo o Lolo Bebeng, pangalawa sa walong magkakapatid at nakakatandang kapatid na lalaki ni Lolo Miong o Emilio, at sinasabing isang maestro o guro. Si Emilio ay siya namang pinakabata sa mga magkakapatid na lalaki. Ang iba pang mga kapatid ni Lolo Miong ay sila Lolo Primo (Panganay), Esteban (Pangatlo), Tomasa, Crispulo, Ambrosio (Pang-anim) at ang bunso sa kanilang lahat na si Lola Felicidad. Sa kasamaang-palad, maaga namang pumanaw sila Esteban at Tomasa.
Sadyang napaka swerte ni Lolo Miong sapagkat may mga nakakatanda siyang kapatid na todo nagaalaga at sumusubaybay sa kanya at sa kanyang mga mithiin. May pangyayari, ayon sa sarili niyang tala na noong kabataan nila ay madalas silang maglaro sa Ilog Marulas na nasa likuran lamang ng kanilang bahay. Magkakasama sila Miong at ang kanyang dalawang kuya na sila Crispulo at Benigno kasama ang iba pang kalarong bata sa kanilang lugar nang magkatuksuhang lumundag sa ilog mula sa katabing tulay. Lahat ay nagtakbuhan at nag-unahang nagtalunan sa ilog mula sa nasabing tulay nang kanilang mapansin ang pagdadalawang isip ni Miong at hindi tumalon. Agad-agad, tinukso siyang duwag at pinilit pa rin na tumalon, dahil sa ayaw niyang isipin ng iba na siya ay duwag. Huminga ng malalim si Miong saka tumalon habang tinatakpan ang kanyang ilong at bibig. Ang nakakalungkot, hindi siya marunong lumangoy kaya kahit
anong kampay niya sa tubig ay bigo siyang mapalutang ang kanyang sarili. Dito na siya nakita ni Crispulo sabay sinigawan ang kanilang ManongBebeng na si Miong ay nalulunod. Dali daling nailigtas ng aking Lolo Bebeng ang bunsong kapatid na lalaki sa tiyak na kamatayan.
Maaalala rin noong kasagsagan ng rebolusyon at nahalal nang Pangulo “in absentia” si Pangulong Emilio Aguinaldo sa Tejeros, Cavite, ay abalang abala pa rin siya sa paghahanda ng tanggulan ng hanay ng mga rebolusyunaryo sa Pasong Santol, Dasmariñas, Cavite. Bagama’t kailangan na niyang gampanan ang kanyang tungkulin bilang unang halal na Pangulo ng bagong tatag na Rebolusyunaryong Pamahalaan sa Tejeros ay hindi pa rin ito natinag sa paghahanda ng napakahalaga at estratehikong depensa sa Dasmariñas, naka dalawang beses na sinundo ang Pangulo bajo ito tumugon para makapanumpa ng kanyang tungkulin bilang halal na Pangulo sa Santa Cruz de Malabon. Hindi pa sana niya iiwan ang kanyang mga tauhan kung hindi lamang siya pinalitan at binigyang katiyakan ng kanyang nakakatandang kapatid na si Crispulo Aguinaldo na isa ring Heneral na makukuha lamang ng mga Kastila ang tanggulan ng mga rebolusyunaryo sa Dasmariñas kung siya mismo ay mapapatay ng mga Kastila. Halos isang araw matapos ang panunumpa ng ni Emilio bilang unang Pangulo ng Pamahalaang Rebolusyunaryo, nagbuwis at
tinupad ni Crispulo ang kanyang sinumpaang pangako sa kapatid na makukuha lamang ng mga Kastila ang Pasong Santol kapalit ang kanyang buhay. Isang hindi matatawarang sakripisyo hindi lamang sa pagmamahal sa bayan ngunit pagmamahal upang mailigtas ang nakakabatang kapatid sa kapahamakan at kamatayan.
Pagmamahal sa Bayan at Pakikibaka noong Rebolusyon laban sa Espanya
Ang malasakit at paglilingkod sa kapwa at bayan ang nagtulak kay Emilio upang sumali sa Masonerya. Isang Cabeza o pinuno pa lamang ng barangay si Miong ay talagang naaakit na siyang sumapi sa Kapatiran, hindi lamang dahil sa katangiang pagiging malihim nito ngunit dala na rin ng mga gawain ng mga sikat na Makabayan kagaya nila Graciano Lopez Jaena, Marcelo H. Del Pilar, Jose Rizal at iba pa.
Sa mismong araw na siya ay nahirang bilang Kapitan Municipal or pinuno ng isang maliit na bayan kagaya ng Kawit ay siya namang pagkatanggap ni Emilio sa masonerya sa ilalim ng Lohiyang Pilar. Malaking impluwensiya sa kanyang pagsali sa Kapatiran ang kanyang pinsang buo na si Baldomero Aguinaldo na isa rin mason. Napili ni Miong ang pangalang “Colon” bilang pagkilala kay Christopher Columbus na isang dakilang manlalakbay. Kahit alam ni Miong na sadyang mapanganib ang pagsali at manghikayat ng mga bagong kasapi ay hindi siya nagdalawang isip na magpasok ng mga bagong kasapi na isasali sa Masonerya.
Napabilang sa Masoneryang El Rito Escocés Antiguo y Aceptado si Miong, kanyang niyakap ang mga prinsipyo ng Masonerya kagaya ng Libertad, Igualidad at Fraternidad. Ang mga prinsipyong ito ay ginamit niyang patnubay hanggang sa mga huling taon ng kanyang Buhay.
Pagkaraang manumpa sa Masonerya ay Sumali naman ito sa isa pang lihim na samahan na naglalayong pabagsakin ang Kolonyal na Pamahalaan ng mga Kastila at ang mga kakuntsabang mga prayle sa pamamagitan ng isang armadong pakikibaka o rebolusyon. Ito ang Kataas-taasang, Kagalang-galang na Katipunan ng mga Anak ng Bayan o Katipunan. Dinala at sumalang sa inisasyon si Emilio sa isang bahay sa Clavel, Binondo, na mismong bahay ni Supremo Andres Bonifacio. Kanyang ginamit ang pangalang Magdalo bilang parangal sa Sta. Magdalena na Santo Patron ng mga taga Kawit, Cavite.
Dito mas maraming nahikayat si Emilio na sumali bilang mga bagong kasapi ng Katipunan. Nakatulong din ang pagiging Capitan Municipal niya para dumami ang kasapian ng Katipunan sa Kawit. Ang pagsali ni Emilio Aguinaldo sa Katipunan ay nagbigay daan para mas lalong niyang maisulong ang kagustuhang maglingkod sa kapwa at sa bayan. Ngunit di nagtagal, may mga usaping organisasyon saKatipunan na kahit si Emilio ay hindi sumang-ayon. Ito ay ang plano ng agarang pagsisimula ng Rebolusyon laban sa mga Kastila. Hindi agad pumanig si Emilio sa kagustuhan ng Supremo na simulan na ang rebolusyon kung kulang pa sa kahandaan ang mga kasapi ng Katipunan. Hanggang sa napagpasyahan na humingi ng payo sa kapwa nila mason at makabayan na si Dr. Jose Rizal na siya namang naka diesterro sa Dapitan, Zamboanga.
Pagkaraang na magpadala ng mga sugo ang Katipunan sa pamumuno ni Dr. Pio Valenzuela kay Dr. Rizal sa Zamboanga, lumalabas na may pamantayan na gustong sundin ang dakilang makabayan na si Rizal. Una ay ang kahandaan ng mga Pilipino sa napipintong rebolusyon, pangalawa ay kung mayroon ng sapat na armas ang mga Pilipino at pangatlo ay kung sino ang
mamumuno sa rebolusyon. Bagama’t hindi sumangayon si Rizal sa biglaang pagsisimula ng rebolusyon ay nirekomenda naman nito ang kanyang kaibigan na si Antonio Luna na dapat mamuno sa rebolusyon.
Hanggang sa magsimula ang mga unang labanan noong Agosto 1896 ang himagsikan, dito napatanuyan ang pangamba ng mga kagaya ni Lolo Miong na ang kakulangan sa paghahanda sa isang rebolusyon at mauuwi sa digmaan, ang kasasapitan ay di hamak na pagkatalo, pagkalagas at kamatayan ng marami sa kasapian ng Katipunan sa Maynila. Ang bigong pagsalakay ng mas malalaking pwersa ng mga Katipunero na kulang sa armas ay napatunayang wala talagang laban ang mga ito sa kakaunting pwersa ng mga Kastila na kumpleto sa gamit at may sapat na kaalaman sa paghawak ng armas. Pinatunayan ito sa pagsugod nila Bonifacio sa Pinaglabanan, San Juan. Habang nag-aantay ang iba’t ibang Sanggunian ng Katipunan mula sa mga
karatig lugar ng Maynila sa napag usapang senyasan. Dumanas na ng matinding kabiguan ang Katipunan sa Kamaynilaan. Dahil sa wala o kulang sa koordinasyon ang mga naatasang pangkat ng Katipunero na sumalakay galing sa kanya-kanyang sektor ay nalipol ang mga ito sa San Juan. Agad na naalarma ang pamunuang Kastila sa Maynila sa mga kaganapan at agad na naghanda sa ano mang napipintong pagsalakay.
Ang kabiguan sa Kamaynilaan ay siya namang binaligtad ng mga taga Cavite. Ang mga sangguniang bayan ng Katipunan sa Cavite gaya ng Magdiwang at Magdalo ay nagwagi sa kanilang mga laban sa Cavite, isang araw pagkaraan ng pagkadurog ng mahalagang pwersa ng Katipunan sa Maynila. Napalaya ng mga Magdalo ang mga bayan mula sa hilagang silangan at silangang bahagi ng Cavite. Ito ang mga bayan ng Bacoor, Imus, Kawit, Dasmarinas, Indang, Silang, Tagaytay, at Alfonso, Cavite. Dito naipakita ng Tenyente Abanderado o Flag Officer na si Heneral Emilio Aguinaldo ng Magdalo ang kanyang kakayahang militar kaya napalaya ang importanteng bahagi ng Cavite na siyang malapit sa Maynila. Ngunit ang pakikibaka sa Cavite ay hindi lamang
nagtatapos sa pagpapapalaya nito kung hindi ay patibayin ang depensa nito sa pagbawi ng mga Kastila. Batid ng mga rebolusyunaryo sa Cavite na sila ay paghahandaan at babalikan ng mga Kastila, ang importanteng labanan sa Imus noong Setyembre 3, 1896 na naipanalo ni Heneral Miong ay patunay na siniseryoso ng mga Kastila ang pagbawi sa Cavite. Dito tinalo ni Heneral Aguinaldo ang regular na hukbo ng mga Kastila sa ilalim ni Heneral Ernesto de Aguirre na sa huli ay napilitang kumaripas sa pag-atras dahil sa mahusay na pagmaniobra ni Heneral
Aguinaldo sa kanyang mga tauhan habang sumusugod patawid ng tulay ang pwersa ng mga Kastila. Nalaglag ni Heneral Aguirre ang kanyang “Sabre de Mando” sa kanyang pagtakas na siya namang nakuha ni Heneral Aguinaldo at kanya nang inangkin bilang isang tropeo. Ang naturang espada ay yari sa magandang uri ng bakal at ginawa ito sa Toledo. Nakaukit din ang sinasabing
taon kung kailan ito hinulma, 1869, parehong taon ng kapanganakan ng batang Heneral.
Kasunod din diyan ang labanan sa Binakayan na kung saan tinalo rin ni Heneral Aguinaldo ang hukbo ni Gob. Heneral Ramon Blanco sa loob ng tatlong araw na mahabang labanan na naganap naman mula Nobyembre 9 hanggang Nobyembre 11, 1896. At ang unang tangka ng mga Kastila na mabawi ang Cavite mula sa mga rebolusyunaryong Filipino ay sa Labanan ng Anabu II, Cavite na kung saan natalo at namatay sa labanan ang Kastilang Heneral na si Antonio Zabala dahil sa mahusay na pagtatanggol ng pwersang Filipino sa ilalim ni Heneral Miong.
Sa aklat na Filipinos at War ni Carlos Quirino, dito maiintindihan ng husto ang tindi ng pagigingmalayang lalawigan ng Cavite at kung bakit nais itong mabawi ng mga Kastila, ang pagkakapanalo ng mgarebolusyunaryo sa Cavite ay siyang nagbigay daan para kumalat ang rebolusyon at magsimula angpagsalakay at pagpapalaya sa iba pang lalawigan sa Luzon, Si Heneral Licerio Geronimo ng Morong aysiyang nagpasimula ng mga pagsalakay laban sa mga Kastila sa kanyang lalawigan, sina Heneral MiguelMalvar at Heneral Santiago Rillo naman ang nag-alsa sa Batangas, at si Heneral Mariano Llanera naman sa Nueva Ecija.
Dito rin mauunawaan ang sinasabing panawagan ng batang Heneral na dapat magkaisa na ang mga hukbo sa Cavite at magtulungang ipagtanggol ang Hilaga at Silangang bahagi nito na siyang pupuntiryahin ng mga Kastila dahil sadya itong malapit sa Maynila na hawak pa rin ng mga Kastila. Hindi nga nagkamali si Heneral Miong, dahil pagsapit ng Pebrero, 1897, nangyari na
ang pinangangambahang malawakang pagbawi ng mga Kastila sa Cavite. Sa pamumuno ng Kastilang Gob. Hen. Camilo Polavieja, inatasan niya ang tatlo sa mga pinaka magagaling na Heneral na kastila na bagong dating lang galing Espanya na simulan ang pagbawi at pagdurog sa Cavite.
Umatake sa Hilagang Cavite, sa may Zapote si Heneral Francisco Galbis Abella, si Heneral Jose Lachambre, ang pinakamahusay sa tatlong heneral na naatasang sumalakay, ay bumira naman sa Dasmarinas, tahimik siyang nagmaniobra sa Santa Rosa, Laguna hanggang marating ang Carmona upang makatawid ng Dasmarinas na balwarte naman ng mga Rebolusyunaryong Pilipino,
at ang panghuli ay si Heneral Nicolas Jaramillo na mamumuno sa pwersa ng mga Kastila na siyang manggagaling sa may Batangas, sa gawing timog, upang tuluyang makubkob at mapalibutan ang Cavite.
Ang plano ay mapabagsak ang Dasmarinas, upang makuha ang Imus na kapitolyo ng mga Magdalo at mula doon ay makukuha na ang buong Cavite. Paulit ulit ang panawagan ni Heneral Emilio Aguinaldo sa mga pinuno ng Magdiwang, ang mga Alvarez at si Bonifacio, ngunit ang diskarte ng Supremo ay hayaan na lamang na makapasok sa mga bayan ng mga Magdalo
ang pwersa ng mga Kastila at isakripisyo ang mga ito para makatulong ang mga Magdalo sa pagdepensa sa mga bayan ng mga Magdiwang. Ito ang estratehiya ng Supremo na dapat na ipatupad dahil ang bulto raw ng pagsalakay sa Cavite ay manggagaling sa Lungsod ng Cavite kung saan naroroon ang Arsenal ng mga Kastila o kaya naman mangagaling sa karagatan lulan ng mga
barko. Sa malalim na pagsusuri, ang lahat ng mga bayan ng Magdiwang ay sinasabing mas lalong hindi ligtas sa pagsalakay ng mga Kastila kung sakaling bumagsak at mapasakamay ng mga Kastila ang mga bayan ng mga Magdalo. Ito ay kadahilanang ng kinalalagyan ng mga bayan ng mga= Magdalo at Magdiwang. Mas malapit at nasa bukana ang sakop ng mga Magdalo sa lalawigan ng Maynila, kaya nga halos lahat ng mga labanan ay nasa gawing bahagi nito. Pangalawa ay mas may karanasan sa pakikipaglaban ang mga Magdalo kesa sa mga Magdiwang dahil nga sa sila ang unang sumasalo ng mga pagsalakay ng mga Kastila na galing sa Maynila. Patunay dito ang pagkamatay ng mga sikat na pinunong Magdalo kagaya nila Candido Tirona, Heneral Tagle ng Imus, Heneral Edilberto Evangelista at ang kapatid mismo ni Miong na si Heneral Crispulo Aguinaldo.
Malinaw pa sa bolang kristal, na nagkatotoo at naging bangungot para sa mga Cavitenyo ang hindi pagtugon sa panawagan na magkaisa. Habang abala sa depensa ang mga Magdalo sa Dasmarinas, ay siya namang inaapura ng mga Magdiwang ang isang pampulitiakang kumbensyon sa San Francisco de Malabon o Tejeros para resolbahin ang mga problema sa pagitan ng dalawang sanggunian. Dito lumabas ang totoong sentimyento ng mga rebolusyonaryo na dapat magtatag ng isang rebolusyunaryong pamahalaan at pumili ng pinuno na siyang may kakahayan na pamunuan ang pamahalaang rebolusyonaryo at maipanalo ang nasabing reboluyon. Ang pagkakahalal kay Heneral Miong bilang Pangulo “in absentia” sa kabila na halos lagpas nobenta por siento ng mga dumalo ay pawang mga Magdiwang at nasa kanilang balwarte pa ito ay masasabing buo ang tiwala ng mga dumalo sa kumbensyon sa pinaka bata at kauna unahang Pangulo ng Pamahalaang Rebolusyunaryo ng ating bansa.
Ang nakakalungkot lang, ika nga ng nasabing heneral ay tanghali na o huli na ang lahat dahil kahit na nabuo ang pamahalaang rebolusyonaryo sa Tejeros ay napasok na ng mga Kastila ang depensa ng mga Magdalo sa Dasmarinas at may bahid pulitika pa rin ang mga kilos ng natalong panig ni Bonifacio at ni Artemio Ricarte na nahalal bilang Kapitan Heneral o Pinuno ng
pinagsanib na Hukbo ng mga Magdiwang at Magdalo. Sa huling pagkakataon ay humiling ng karagdagang pwersa si Heneral Aguinaldo na siyang dedepensa sa Dasmarinas, ngunit pinigilan ni Heneral Ricarte ang mga pwersang Magdiwang na sasaklolosana dahil utos diumano ng Supremo na Andres Bonifacio. Matatandaan na pinilit lusawin ng Supremo ang nasabing kumbensyon
at nilisan nito kasama ng kanyang mga malalapit na tagasunod matapos na siya ay matalo sa halalan ng pagka Pangulo at mainsulto nang siya ay iminungkahing palitan sa kanyang katungkulan bilang Kalihim ng Interyor na sinusugan ng isang Magdalo na si Daniel Tirona.
Sa huli, nalipol ang hanay ng maraming dakilang tagapagtanggol ng Cavite na karamihan ay kabilang sa Magdalo. Nang mabawi ng mga Kastila ang Dasmarinas sa pagkakapanalo nito sa Pasong Santol, agad na bumagsak ang lahat ng mga bayan na hawak ng mga Magdalo, dahil sa sabay na pagsalakay sa Silangang Cavite ni Hen. Lachambre at ang pag-atake naman sa Bacoor sa
Hilagang Cavite ni Heneral Galbis upang pahinain pwersa ng mga rebolusyunaryo. Nang napasakamay na ng mga Kastila ang Bacoor at Dasmarinas ay madali na nilang nakuha ang Imus at Kawit. Nagtuluy tuloy na ito sa mga bayan ng mga Magdiwang. Hindi akalain ng mga ito ang bilis ng pagsalakay ng mga Kastila na pumasok sa tatlong direksyon – Hilaga, Silangan at Timog, sa may gawing Kanluran ay ang Bae/Bay ng Maynila. Napalibutan na ang Pwersang Pilipino hanggang sa umatras ang mga ito sa Naic, at mapadpad ng Maragondon. Ito na ang pinalugmok na estado ng rebolusyon. Dito rin naganap ang paglilitis at paghatol ng parusang kamatayan sa Supremo sa salang “Pagtataksil” at “Sedisyon” dahil sa kanyang mga nagawa sa Cavite.
Katangiang Makabayan, Makatao at Makadiyos.
Ayon sa aming mga nakakatandang kaanak na naabutang buhay at nakasalamuha pa ang Unang Pangulo, sadya talagang ng tahimik at natural na mahinahon ang aming Lolo Miong, hindi ito kinarinigan ng pagmumura o masasamang salita. Ito marahil ang dahilan kung bakit lagi siyang dinidinig at ginagalang ng lahat ng nakakakilala at nakakasama niya.
Dahil sa taglay na pagiging kalmado at mapagkumbabang pagkatao ni Lolo Miong, ilang beses din niyang pinatunayan na hindi siya agresibo at mapanghagad sa ano mang katungkulan o posisyon. Na hindi niya habol ang kasikatan at kapangyarihan. Mas gusto ni Lolo Miong na siya ay sumusunod na ipatupadang mga planong pakikibaka laban sa mga Kastila. Hindi siya ang tao na itutulak o iaangat ang sarili para kilalanin ng lahat. Matatandaan sa Pagpupulong sa Imus noong Disyembre 1896, ang unang tangka na pagisahin ang mga rebolusyunaryo sa Cavite at magtatag ng Rebolusyunaryong Pamahalaan (dahilmahina o nalagas na ang Katipunan sa Maynila) ay mas itinulak ni Miong ang pagpili sa sikat inhinyero mula Maynila na si Edilberto Evangelista na nakapagtapos sa bansang Belgium at nagdisenyo ng mga trintsera o depensa sa Cavite upang maging Unang Pangulo laban sa Supremo na suportado naman ng mga Magdiwag sa pagtatatag ng pamahalaan ng pinagsanib na pwersa. Kung hindi man si Evangelista, kanyang iminungkahi ang kanyang pinsang buo na si Baldomero Aguinaldo o kaya naman si Heneral
Licerio Topacio na maging Pangulo sa Kumbensyon ng Imus at Tejeros.
Ayun nga lang pagdating sa Tejeros, si Lolo Miong pa rin ang napiling maging Unang Pangulo dahil na din sa kanyang karanasan sa pagiging Capitan Municipal at sa mga napagwagiang niyang mga labanan sa Cavite. Kahit ng pagkakaboto at pagkakapili sa kanya ay hindi niya agad sineryoso. Ang pagsumpa sa kanyang bagong katungkulan ay kanyang pinalagpas dahil sa abala siya
sa paghahanda ng tanggulan sa Pasong Santol sa Dasmarinas. Makailang beses din siyang pinasundo upang makapanumpa na bilang Unang Pangulo. Ngunit kung hindi pa siya pinalitan at kusang sumumpa sa kanya ang kanyang nakakatandang kapatid na Heneral Crispulo Aguinaldo na ipagtatanggol nito ang Pasong Santol hanggang sa kamatayan ay hindi sya umalis sa
kanyang tanggulan. Pinakita niya ulit sa pangatlong pagkakataon na hindi nya habol ang katungkulan nang magbitiw ito sa pamamagitan ng isang liham na nakuha ng kanyang
punong ministro na si Apolinario Mabini sa mismong araw ng Kapaskuhan. Hiling ni Lolo Miong na hayaan na lamang siyang magbitiw at matanggap ng mga Pilipino ang kanyang pasya. Na ito’y ibilato na lamang kanya bilang isang regalo o “Aguinaldo”. Ngunit tinanggihan ito ni Mabini at pinunit ang nasabing liham pagbibitiw dahil kailangan pa, ika niya ng bayan, si Lolo Miong.
Sa maraming pagkakataon din ipinakita ng Batang Pinuno ang pagiging mapagkumbaba sa pamamagitan ng pagpili at pagkuha ng mga taong may mataas na kaalaman at nakakahigit sa kanya ang pinag-aralan. Patunay ito na hindi siya nagmamarunong sa ilang mga importanteng bagay at nangangailangan pa rin siya ng tulong at gabay ng mga taong higit sa kanya ang kaalaman
at karanasan. Marahil ay may kinalaman nga ito sa hindi niya pagtatapos ng pag-aaral kung kaya’t mas nagtitiwala siya sa mga taong may mataas ang pinagaaralan at may malawak na karanasan. Sa larangan ng pamumuno sa pakikidigma kanyang hinangaan at siya’y nagbigay daan kina Edilberto Evangelista sa paglaban sa mga Kastila, kay Antonio Luna naman, noong panahon ng Digmaang Pilipino-Amerikano. Sa larangan ng ugnayang panlabas, ang talino at galing nila Felipe Agoncillo, Mariano Ponce, at Jose Alejandrino ang inasahan ni Pangulong
Aguinaldo, dito nasubok ang katatagan ng ating mga emisaryo sa mga bansang makakanluranin at mga bansa sa Asya upang matupad ang ating hangarin na maging isang bansa at estadong Malaya. Kung patungkol sa pampulitikang estratehiya upang maitatag na pormal ang estado ng Unang Republika ng Pilipinas, nasa likod niya ay ang pinakamatalinong tagapayo na walang iba
kung hindi si Apolinario Mabini. Matiyagang naglaan ng kanyang galing at talino ang dakilang lumpo upang maihanay tayo sa mga malalayang bansang kanluranin. Mahalaga ang papel ng mga pampulitikang desisyon ni Pangulong Aguinaldo upang mapalakas ng Pamahalaang Rebolusyunaryo ang ugnayang panlabas nito. Nagbunga ito sa pagkilala sa ating Pamahalaang Rebolusyunaryo ng mga Kastila at mga Amerikano lalo na sa Kasunduan ng Biak na Bato at ang pakikapag-ugnayan sa Hong Kong at Singapore ng mga Amerikano. Ang mga kaalaman at
estratehiya sa pakikidigma ay naging mahalaga din kung paano natin napahirapan at napatagal ang digmaan hanggang matalo ang mga Kastila at na-pwersa ang mga Amerikano na baguhin ang estilo ng pakikidigma mula sa kombensyunal na pamamaraan patungo sa paggamit ng kontragerilyang taktika dahil sa kasanayan ng mga Pilipino sa pamamaraang gerilya. Kaya masasabing mahusayumistima ng mga Pilipinong may mataas na pinag-aralan at nababalanse ni Pangulong Miong kanilang mga personalidad at galing upang makamit ang ating minimithing Kalayaan.
Kung pagtitimpi at haba ng pasencia/pasensya ang paguusapan, talagang masasabing martir ang batang Pangulo, mula sa kanyang panawagan na magsanib pwersa ang mga Magdalo at Magdiwang sa pagtatanggol sa Dasmarinas, hanggang sa kamatayan ng kanyang kuya na si Heneral Crispulo Aguinaldo sa pagdedepensa sa Pasong Santol dahil na rin pagharang ng karagdagang pwersa ni Heneral Artemio Ricarte sa utos diumano ng Supremo na si Andres Bonifacio ay hindi niya naisipang gantihan o balikan ang dalawa. Bagkus, si Artemio Ricarte ay nanatili bilang isang Heneral ng Rebolusyon kahit na isa siya sa mga kontra- Aguinaldo. Si Supremo Andres Bonifacio naman ay malayang tumahak papuntang Indang, dito pinagbantaan ng Suprempo ang mga mamamayan ng bayan matapos na tanggihan si Bonifacio at ang kanyang mga tauhan ng pagkain at pera, ang dahilan ng mga mamamayan ay hindi naman sa ayaw nilang magbigay, ngunit talagang hindi lang sapat ang kanilang pagkain dahil na rin sa nagaganap na digmaan at ito ang dahilan ng pagsumbong ni Severino delas Alas dahil sa pagbabanta ng Supremo na sunugin ang buong bayan. Nakakapagtataka na si Severino
delas Alas din ang siyang pangunahing taga suporta ni Bonifacio sa Cavite at siya rin ang nagmungkahi sa Kumbensiyon ng Tejeros na gawin na agad Pangulo si Bonifacio ay siya na ngayong dumudulog ng tulong kay Pangulong Emilio Aguinaldo.
Naaresto at nahuli ang mga magkakapatid na Bonifacio at sila ay iniharap sa binuong Consejo de Guerra sa Maragondon, Cavite. Hinatulan ang mga magkakapatid na Bonifacio ng parusang kamatayan sa salang “Pagtataksil” at “Sedisyon”. Dinala kay Heneral Aguinaldo ang hatol ng konseho ngunit hindi ito nagustuhan ng Pangulo sapagkat napaka bigat naman ng parusa. Ang pasya ng Consejo ay binaligtad ng batang pangulo mula sa parusang kamatayan ay ginawa na lamang na pagpapatapon sa Pico de Loro at dun na lang idi diesterro ang magkapatid. Ngunit nagbigay Babala ang mga pinunong militar kagaya nila Heneral Mariano Noriel at Heneral Pio Del Pilar sa maaring mangyari. Siguradong mahahati ang pwersa ng mga rebolusyunaryo sa pagitan ng Supremo at ng bagong tatag na Rebolusyunaryong Pamahalaan kung mananatiling Buhay at malaya ang Supremo. Ganun din na malalagay sa panganib ang Buhay ng batang Pangulo dahil sa laging may banta sa kanyang Buhay kagaya ng nabigong Pacta de Naic na inorganisa ni Bonifacio kasama ang mga pinuno ng Magdiwang at inaw na nagpaplano ng isang kudeta ang kanilang pangkat. Ngunit ito’y nabunyag ni Heneral Miong at hindi na natuloy ang tangkang pagpapabagsak sa kanya at ng kanyang pamahalaan. Karamihan sa mga opisyal ng Magdiwang na dumalo sa Pacta de Naic, kasama sila Heneral Pio Del Pilar at Heneral Mariano
Noriel ay nagkaroon pagkakataon na manungkulan sa Pamahalaan Rebolusyunaryo. Nakakagulat na sila din ang tumugis, sila din ang naglitis, at sa huli, sila din ang naghatol ng parusa sa mga nagawang kasalanan ng Supremo. Naunawaan ni Pangulong Aguinaldo ang bigat ng parusa na kakaharapin ng isang kapatid sa Masonerya. Bagamat nandun ang matinding pagnanais na mailigtas
sa parusang kamatayan ang Supremo ngunit mas matindi at mas mabigat higit sa lahat na maisakatuparan at mapagtagumpayan ang rebolusyon lavan sa Espanya at mapalaya ang ating bayan. Sinabi nga ni Lolo Miong, ang Rebolusyong 1896 ay pinukaw ng masonerya, pinamunuan ng masonerya at isinakatuparan sa paraan ng masonerya.
Sa usapin naman kung paano tratuhin ang mga kaaway ay masasabing likas talaga ang kagandahangloob at pagka-maginoo ni Pangulong Aguinaldo na kahit ang mga nadadakip na kaaway na kastilang kawal at mga prayle ay tinatrato at inaalagaan ng Mabuti. Maraming pagkakataon lalo na sa mga labanan ay ipinaguutos ni Heneral Aguinaldo ang maayos na pagtrato sa mga nabibihag na kaaway. Sa isang palibot-sulat ng Sangguniang Magdalo noong Nobyembre 29, 1896 ay inuutos ni Heneral Aguinaldosa lahat ng kawal na maging mga mabuting Kristiyanong kawal na may Malinis na konsensya at ituring ang rebolusyon bilang isang banal na digman. Nariyan din ang isa pang proklamasyon na may petsa May 24, 1898 na inuutusan ang lahat ng mga Filipino na sundín ang Makataong Batas ng Digmaan upang makilala ang mga Pilipino bilang mga sibilisado at karapat dapat sa ipinaglalaban nitong Kasarinlan. Ngunit may mga pagkakataon pa rin ayon sa Atenistang Historyador na si Padre John Schumacher na may mga bihag na pinapaslang ng walang lavan. Halimbawa ay ang mga nadakip na tatlong prayle sa Imus ng pangkat Magdalo at kanilang ipinasa ang pangangalaga ng mga kastilang pari sa pangkat Magdiwang. Noong tinatanong na ni Heneral Aguinaldo ang kalagayan ng tatlong kastilang pari ay noon lang niya nalaman na pinatay na ang tatlong pari sa utos ng Supremo. Kinondena ito ng batang heneral at dito sadyang nakumpirma ang iniisip ng marami na dahil kaya sa pagiging ateista ng Supremo kung kaya’t nagawa nito ang pagpaslang sa mga prayle kahit na ang dalawa lamang sa mga ito ay walang nagawang masama sa mga Filipino. Dito pinapakita na kahit isa ng mason si Emilio Aguinaldo ay isinasabuhay pa rin niya ang mga aral ng pagiging mabuting Kristiyano at Katoliko. Lalo niyang pinagtitibay ito sa pagiging deboto ng Santa Maria Magdalena at Ganun din ang mga aral sa masonerya na ipaglaban ang mga naapi at wastong pagpapahalaga sa mga tao maging anuman ang katungkulan, kalagayan o kariwasaan.
Sinubok din ang katapatan sa paghawak ng salapi si Lolo Miong. Ang pinaka-katangi tanging halimbawa ay ang salaping kabayaran na ibinayad ng mga Kastila para magkaron ng tigil-putukan batay sa Kasunduan ng Biak na Bato. Napagkasunduan ang halagang 1,700,000 pesos na kabayaran ngunit lilisanin ng mga pinuno ng Rebolusyon ang Pilipinas at tatanggap ang Pamahalaang Rebolusyunaryo ng Biak na Bato ng paunang bayad na 400,000 pesos. Agad-agad na ng malaking salapi ay idineposito sa mga banko na pagaari ng mga Briton sa Hongkong. Tinawag ng batang Pangulo ang salapi bilang sagradong pondo upang makabili ng mga armas pandigma at mga bala na gagamitin sa muling pagsisimula ng rebolusyon sa kanilang pagbabalik sa Pilipinas.
Sa hinaharap, maraming kritiko at historiador ang uungkatin kung nasaan ang pondo na napagkasunduan sa Biak na Bato, marami din sa mga ito ay magbibintang sa kanya na kanyang winaldas at ninakaw ang salapi. Sa madaling salita, lahat ng pondo hanggang sa huling sentimo nito ay sadyang nagastos ng tama at tapat. Ayon nga ni Heneral Jose Alejandrino na isa sa mga pinuno ng Rebolusyon na kasama nila Lolo Miong sa Hongkong sa kanyang aklat na “The Price of Freedom“, – “na kaya kong patunayan na wala pa akong nakikilang tao na nabigyan ng limpak limpak na salapi at pangalagaan sa sarili niyang pangalan ang malaking halaga, na mayroong matinding katapatan at hindi magiging makasarili. Isang tao na malayang makakabalik sa sarili niyang bayan dahil sa mayroong siyang ipinaglalaban maliban lang kay Heneral at Pangulong Emilio Aguinaldo”. Ganito rin halos ang sinabi ng kanyang sundalong nagging katuwang niya at nang maglaon ay naging kalaban pa niya sa pulitika noong panahon ng mga Amerikano, Si Pangulong Manuel Luis Quezon. Ang banggit ni Quezon ay “Si Pangulong Aguinaldo ay may kapangyarihan na lustayin ang pondo ng dating Unang Republika ng Pilipinas. Noong siya ay nahuli ng mga Amerikano, at magwakas ang pangangasiwa sa paggamit ng salapi ng bayan, ang Heneral ay nanatiling mahirap pa rin kagaya noong siya ay Sumali sa rebolusyon… ayaw ko sanang magkumpara, ngunit gusto kong magtanong kung ilan pa kayang mga pinuno ng himagsikan sa iba’t ibang panig ng daigdig na nalagay sa kalagayan at katungkulan ni
Heneral Aguinaldo na gagawin din ang kanyang ginawa sa paghawak ng kaban ng bayan? Ilan pa kaya sa kanila ang nanaisin na bumalik sa kanilang mga tahanan bilang mahirap pagkatapos mong hawakan ang limpak limpak na salapi na maari mo namang gamitin na walang sino man ang magtatanong o maghahamon? Si Aguinaldo ngayon ay hindi mayaman. Isa lamang siyang magsasaka,hindi rin siya tumanggap ng ano mang katungkulan sa pamahalaan sa ilalim ng Amerika kahit na mayroong napakagandang alok para sa kanya, ni ayaw nga niyang pumasok sa pulitika”.
Sa huling bahagi, nais kong ipabatid bilang kaanak na, kahit sobrang dami ng tumuligsa sa kanya, mga malalapit niyang kaibigan at mga kasama niya sa pakikibaka na tinalikuran siya at sa huli ay naging mga kalaban pa niya sa pulitika lalo na noong panahong Amerikano, isa lang talaga ang plano laban sa kanya, at ito ay ang mabura siya bilang isang mahalagang mukha ng Rebolusyon at
Pakikibaka sa Kalayaan.
Sa ating kasaysayan ay nanatili siyang tahimik. Tinanggap niya ang lahat ng pagkukutya at matatalim na salita na binabato sa kanya ng kasaysayan. Marahil ito ang dalawang magandang paliwanag sa kanyang tahimik na pagkatao – Ang una ay binanggit ng dating Pangulong Ferdinand E. Marcos sa kanyang parangal sa pagpanaw ng Unang Pangulo noong Pebrero 15, 1964:
“Siya at ang kanyang mga kasama ay matagal nang nilimut ng bayang hindi man lang nakapag-pasalamat. Hindi lamang siya ay kinalimutan. Ang kawal-mandirigma na ito ay pinagtawanan at ang kanyang mga pangarap ay inalipusta. Siya ay hinamak at siniraan. Ngunit mas pinili niyang manahimik na may dignidad sapagakat alam niya sa kanyang sarili …na naging matagumpay naman ang kanyang ipinaglaban.”
Ang panghuli ay nagmula sa isang Amerikanong Heneral na naatasang tugisin at matagumpy na dakipin si Pangulong Aguinaldo sa Palanan, Isabela, si Heneral Frederick Funston. Ito ang nabanggit ng Heneral tungkol sa batang Pangulo: “Ngayong sandali ng kanyang pagkadakip, bagamat siya ay balisa, ang kanyang mga kilos ay nananatili pa ring kagalang-galang at marangal, at walang ano mang tanda ng pangamba. Siya ay isang taong nagtataglay ng mga magagandang katangian. Sa kanilang lahat, siya ang pinaka dakilang Filipino na aking nakasalamuha.”
Tama po. Siya ay tahimik sa paghahandog sa atin ng mga sumusunod: Una, ay ang pagkakabuo ng ating Unang Republikang Filipino na hinangaan sa Asya. Pangalawa, sa kanya nagsimula ang ating magarang bandila at ang ating pambansang awit. At panghuli, ang sarili niya bilang karapat- dapat na inspirasyon kung paano pahalagahan ang tinatamasa nating Kalayaan.
Maraming Salamat Heneral at Pangulong Emilio F. Aguinaldo sa mga dakilang “Aguinaldo” nyo sa Sambayanang Filipino.